ANG FARISEO AT ANG MANININGIL NG BUWIS:
SINO KA SA DALAWA?

 

“Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’ Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas” (Lucas 18:11-13). Pansinin dito na pinasalamatan ng Fariseo ang Diyos na hindi siya tulad ng ibang tao. Pagkatapos ay nagmalaki siya, kung paanong ang taong nananangan sa kanyang free-will ay nagmamalaki sa kanyang ‘desisyon kay Cristo’, sa kung ano ang ginawa, maliwanag na naniniwala, ayon sa kanyang turing sa maniningil ng buwis, na ang kanyang mga gawang pagsunod kahit papaano’y naging bahagi ng pagkakamit niya ng kaluguran ng Diyos, kahit naniniwala siya na utang niya ang lahat ng mabuti niyang ginawa, hindi sa kanyang sarili, kundi sa Diyos. Ang maniningil ng buwis, naman, ay hindi binanggit ang kahit isang ‘mabuting’ gawa na kanyang pinagsikapan. Wala siyang dinalang sariling katuwiran, na siyang kaso sa bawat isang tunay na ligtas na tao (tingnan ang Fil. 3:9), kundi pakumbabang humingi sa Diyos ng awa, na nagpapakita ng ebidensya ng pagkilos ng Espiritu Santo sa kanya. Hindi siya naghahanap o umaasa na mapawalang-sala sa pamamagitan ng kanyang sariling gawa, kinikilala man niyang buhat iyon sa Diyos o hindi. Ang maniningil ng buwis, tulad ng bawat isang tunay na ligtas na tao, ay may katulad na kaisipan ng kay Pablo: "... huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo..." (Gal. 6:14). Hindi inasahan ng maniningil ng buwis na ang kanyang mga gawa ang lilikha ng pinagkaiba ng langit at impyerno, ni tiningnan niya ang anumang kanyang nagawa, kundi sa Diyos lamang at sa Kanyang Awa. Ang pagpapakumbaba ng isang tao ay hindi isang kundisyon na dapat niyang gawin upang makalapit siya sa Diyos, kundi isang ebidensya na ang Diyos ang lumalapit sa tao. Hindi ang malayang pagpili ng tao sa Diyos ang gumagawa ng pinagkaiba sa pagitan ng langit at impyerno kundi ang malayang pagpili ng Diyos sa tao. Sinabi ni Cristo na ang lalaking ito, ang maniningil ng buwis, imbis na ang Fariseo, ang inaring ganap. Ang katagang inaring ganap sa talatang ito ay nangangahulugang ‘ituring (i.e. tratuhin) matuwid o walang sala, malaya, maging matuwid’. Pansinin din na tinukoy ni Cristo ang Fariseo, na kinilalang nagbuhat sa Diyos ang mabubuting gawa niya, hindi bilang isang taong nagkakamali at kailangan lang ng kaunting pagtatama, kundi isang taong itinataas ang kanyang sarili. Kapag hindi pinaniniwalaan ng isang tao ang Ebanghelyo kung saan nahayag ang katuwiran ni Cristo, ipinapakita niya sa kanyang kamangmangan na nagsisikap siyang magtatag ng sarili niyang katuwiran (tingnan Rom. 10). Gayon din, ang taong naniniwala na ang anumang nagawa niya ang gumagawa ng pinagkaiba sa pagitan ng naligtas at ng napapahamak, purihin man niya ang Diyos dahil dito, ay itinataas ang kanyang sarili at hindi ang Diyos, at nananatili pa sa kalagayang hindi inaring ganap. Hindi binabalewala ng Diyos ang kamaliang nakapagpapaalsa sa buong limpak (tingnan Gal. 5:9). Ang tunay na naligtas na tao ay hindi nagsasabing, ‘Magsiparito kayo at masdan ninyo kung ano ang ibinigay sa aking kakayanan ng Diyos para sa aking kaluluwa ’, kundi “... ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa " (Awit. 66:16). Huwag kang palinlang. Ang mga taong naniniwala sa doktrina ng free will, na dapat gumawa ang isang tao ng desisyon batay sa kanyang free will para kay Cristo bago siya maligtas, ay ibinabatay ang kaligtasan, hindi sa mapagbiyayang pagpili ng Diyos at sa pagtutubos ni Cristo para sa kasalanan, kundi sa pagsisikap at gawa ng tao. Dapat na gumawa ang tao ng desisyon para kay Cristo bago ibigay sa kanya ang kaligtasan, imbis na ang pagtanggap ng tao kay Cristo bilang isang bagay na resulta o bunga lamang ng kaligtasang sa pamamagitan ng biyaya na iginawad sa tao sa pamamagitan ng paghirang ng Diyos na bunsod ng kanyang pag-ibig sa kanya. Ang taong free willer na pinipilit na hindi niya inaagaw ang kaluwalhatian ng pagliligtas mula kay Cristo dahil itinuturing niya ang kanyang positibong desisyon para kay Cristo na buhat sa kakayanang ibinigay ng Diyos, ay naturuan ng kasinungalingan. Itinataas niya ang kanyang sarili, at hindi ang Diyos, sang-ayon sa mga Kasulatan. Pansinin din sa ating talata kung ilang beses ginamit ng Fariseo ang ‘Ako’. Binanggit niya ito nang limang beses samantalang hindi binanggit ng maniningil ng buwis ang tungkol sa kanyang sarili, maliban sa kaawaan siya ng Diyos. Pansinin kung paanong walang dahilan na ang maniningil ng buwis ay nagmaataas sa anumang paraan sa kanyang paghiling, subalit maraming dahilan upang paniwalaan na ang Fariseo ay nagmamataas. Ang taong free willer ay kasama ang Fariseo na nakasakay sa iisang bangka. Hindi ang Diyos ang itinataas niya kundi ang kanyang sarili, dahil patuloy niyang iginigiit kung ano ang kanyang nagawa imbis na sikaping akayin ang tagapakinig tungo sa Diyos at kung ano ang Kanyang ginawa. ‘Ako’, ‘Ako’, ‘Ako’, ang lagi lang nilang sinasabi: ‘Pinili ko Siya, Iniibig ko Siya, Tinanggap ko Siya, Hinanap ko Siya, Natagpuan ko Siya, Pinuntahan ko Siya, Ako, Ako, Ako....’ Sinasabi ng tunay na mananampalataya ‘Hinirang ako ng Diyos, Pinili Niya ako, Dinalaw Niya ako ng Kanyang maluwalhating biyaya, namatay ang Kanyang Anak para sa akin at ang Kanyang katuwiran ay ibinilang sa akin, Inalis Niya ang aking mga kasalanan, Naging maawain Siya sa akin, Ibinigay Niya sa akin ang kaloob ng pananampalataya, Ibinunsod Niya akong magsisi at lapitan Siya, Siya, Siya, Siya...’ Natitiyak kong nakikita ng mambabasa ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Ang isa ay itinataas ang kanyang sarili habang ang isa ay ibinababa ang kanyang sarili at inaring ganap. Ang ebanghelyo ng taong free willer ay nagtuturo ng kaligtasang batay sa gawa, dahil nagbibigay ito ng puwang sa tao upang magmalaki sa kanyang kaligtasan, bagamang, sa kanyang isip, ay itinatanggi niya ito sa pamamagitan ng pagturing sa kanyang pagsunod, sa anyo ng kanyang desisyong bunsod ng free will para kay Cristo, na galing sa Diyos. Ang ganoong tao ay NAPAPAHAMAK. Dito ay nakikita natin na ang pagmamataas ay hindi naihihiwalay sa isang ebanghelyo na nagtuturo na ang kaligtasan ay batay sa gawa ng tao o nakasalalay sa desisyon ng tao na bunsod ng free will, ngunit ito ay palaging hindi isinasama NG Mensahe ng Ebanghelyo na nagtuturo na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya sa Persona at Gawa ni Cristo Jesus na Panginoon, ibinabatay ang lahat nating kaligtasan sa Kanya at hindi ibinabatay ang anumang bahagi nito sa tao. Hindi binibigyan ng biyaya ang tao ng kakayahang sumampalataya, kundi ibinibigay, bilang kaloob, ang tanging pananampalataya na magagawa at tunay na sumasampalataya sa Ebanghelyo. Ang Ebanghelyong ITO lamang ang hindi nagbibigay ng puwang sa tao para magmataas; ang Ebanghelyong ITO lamang asng nakakapagligtas. Ang pananampalataya sa Ebanghelyong ito lamang ang nagpapababa sa mananampalataya, inihihiwalay ang pagmamataas, dahil ibinabatay nito ang buong kaligtasan kay Cristo (tingnan Rom. 3:24-28).


back
home