ANG MENSAHE O ANG MENSAHERO?
Ibinahagi sa akin kamakailan ng isang kaibigan ang sinabi ng isang nag-aangking siya ay ministro ng Diyos: ‘Tunay nga, ang tamang doktrina ay mahalaga kung ang isang tao ay ipinanganak na muli. Mayroong isang Ebanghelyo at kung ang Ebanghelyong iyon ay hindi sinampalatayanan, wala nang naghihintay pa kundi ang Impyerno. Subalit,’ dagdag noong tao, ‘mahalaga rin na pakinggan natin ang katotohanan mula sa mga itinalagang mensahero ng Diyos. Kung sino ang naririnig nating nagtuturo ng doktrina ay lubhang mahalaga’ sabi niya. ‘Sila dapat ay mga inordenahang ministro ng Diyos at inaprubahan ng simbahan’ etc. Ayon sa ganitong pangangatwiran, narito ang isang kaso ng paghatol sa katotohanan, hindi kung ano ang ipinahayag sa atin bilang katotohanan, kundi kung sino ang taong nagpapahayag! Sino ang taong naghahatid ng mensahe, ayon sa pangangatwiran ng lalaking ito at marami pang iba na mula sa mga pangunahing relihiyon ngayon na naniniwalang ang tanging maaasahan at mapagkakatiwalaan at mga lehitimong lider ng relihiyon ay ang mga ‘inordenahang ministro’ na nagbibihis ng mga damit pangministro o iwinawagayway ang kanilang mga espesyal na Bible College degree at doctorate sa atin at mga bahagi ng matatatag at respetadong institusyong pangrelihiyon, ang pangunahing batayan sa paghatol kung ano ang katotohanan at ang hindi. Ayon sa kaisipan ng ganitong mga tao, ang pamantayang ito ay isang bagay na hindi dapat balewalain kapag nagpapasiya ang isang tao kung naririnig niya o hindi ang katotohanang ipinapangaral. Sa ibang salita, malalaman natin kung ang tinuturo ay batay sa Kasulatan, ang totoong Salita ng Diyos, kung ang nagtuturo ay isa sa mga inordenahang ministrong ito. Ito ay pagbabalik sa mga panahon ng kamangmangan noong ang mga tao ay wala pang paraan upang mabasa ang mga Kasulatan at prinogramang maniwala na ‘malamang na tama ang pari o ministro kung hindi ay hindi siya maaaring maging pari o ministro, pagkatapos, siya ang gumugol ng lahat ng pag-aaral,’ isang magiliw na lalaki na nirerespeto ng komunidad at maraming nagawa para rito, isang lalaking may pamilya na likas na mapagmahal at mabait at kalugud-lugod sa mga tao.
Ang likas na kaisipang pangrelihiyon ng taong napapahamak ay ipinipilit na matitiyak ng isang tao na naririnig niya ang katotohanan kung ang mga salita ay binibigkas ng labi ng mga tanyag na guro at mangangaral, mga kilalang tao na malawak ang reputasyon na kinikilala ng mayorya, maging ng sekular na mundo, bilang mga “lalaking lingkod ng Diyos”. Subalit ito ba ang tinuturo ng Kasulatan? Nagbubunsod ba ang Salita ng Diyos ng bulag na paniniwala at pairalin ang pagtitiwala kapag may lumapit sa atin na umano’y sinasalita ang Biblia, dahil lang siya ay lalaking opisyal na kinikilala ng isang kapulungang pangrelihiyon bilang inordenahang ‘ministro ng Diyos’? Hinahayaan ba ng mga Kasulataan ang pagtanggap sa mga lider pangrelihiyon nang walang pagsusuri at ang kanilang sinasabi bilang hindi matututulang katotohanan? Gayong uri ba ng mensahe ang ibinigay ng Panginoong Jesu-Cristo at inakay ang Kanyang mga tagasunod upang kanilang sampalatayanan? Sinabi ba Niyang, ‘Kung may lumalapit sa inyo sa Aking Pangalan na ganap na sinusuportahan ng isang pangrelihiyong kapulungan ng mga tao dapat niyong ipagpalagay na siya ay sinugo Ko at dapat niyong paniwalaan ang lahat niyang sinasabi at huwag niyong pangahasang kwestyunin ang salita nila.’ Hindi! Hindi ba’t pinuri ng Panginong Jesus ang mga apostol sa Apocalipsis 2:2 sa pagsubok at pagsusuri sa mga lalaking nag-aangking sila ay mga apostol ngunit hindi naman at napatunayang mga sinungaling? "... sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y mga apostol, ngunit sila'y hindi gayon, at natuklasan mo silang pawang mga sinungaling." Ngayon paano sa tingin mo nagpakita ang mga bulaang apostol sa mga taong ito sa Efeso? Sa tingin mo ba’y dumating silang may mga sungay sa ulo at nag-anyong mga mababangis na asong-gubat gaya ng kung ano nga sila (tingnan ang Mat. 7:15)? Siyempre hindi. Dumating ang mga bulaang apostol na ito na parang mga tunay na apostol, walang sungay, walang damit mala-asong-gubat, walang sagisag na nagdedeklara sa kanila bilang myembro ng pagkakisa ng mga bulaang apostol, wala maliban sa maamong mukha at ang pangalan ni Jesus sa kanilang mga labi, na "... sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang" (Rom. 16:18). Ang mga mamamayan ng Efeso ay walang personal laban sa mga taong ito nang una silang nagpakita sa eksena. Ginawa ng mga taga-Efeso kung ano ang ginawa ng mga mararangal na mamamayan ng Berea, na bagamang nilapitan ng mga taong sing-kalibre nina Pablo at Silas sa mga katuruang inangkin nilang tunay na Salita ng Diyos, "... sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan, (upang makita) kung tunay nga ang mga bagay na ito" (Mga Gawa 17:11). Hindi sila tumanggap ng saway dahil sa pagtiyak nila kung ang naririnig nila ay tunay na Salita ng Diyos. Hindi ba’t isinamo ni Juan, sa 1 Juan 4:1, sa bawat mananampalataya na "... huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan"? At hindi ba binabala ni Pablo, sa pasimula ng kanyang liham sa mga taga-Galacia, na kung may lumapit sa kanila, anuman ang kanilang reputasyon, kahit siya pa ay magilas sa kanyang anyo gaya ng isang anghel mula sa langit, na nagdadala ng ebanghelyo na iba sa dakila at makapangyarihang Ebanghelyo na kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas na ipinangaral ni Pablo sa kanila, dapat hayaan nila silang pakasumpain! "Subalit kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain." Wari’y hindi pa sapat na malinaw ito, at upang hindi mabigyan ng ibang kahulugan ang kanyang mga salita, kaagad na inulit ni Pablo ang kanyang babala sa susunod na bersikulo, kaya binibigyang-diin kung gaano kahalaga ang pamantayang ito na sinisikap niyang pagtibayin sa kanilang isipan: "Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain" (Gal. 1:8, 9).
Itong pangungusap na ito pa lamang ay ginigiba na ang pahayag sa aking kaibigan ng isang ‘ministro’, na ang mensahero ang susi sa katotohanan at hindi talaga ang mensahe. Sa kanyang pangungusap sa mga taga-Galacia, ginawa ni Pablong ang Mensahe bilang pinakamahalaga sa lahat at sa sinuman. ‘Kung ang mensahe ay hindi ang mensaheng inihatid ko sa inyo,’ sabi ni Pablo, ‘nagpapakita na ang taong nagdala niyan, hindi mahalaga kung sino siya, anuman ang kanyang reputasyon, katatayuan sa komunidad ng relihiyon o gaano karaming katotohanan ang inihalo niya mula sa kanyang bulaang ebanghelyo, HUWAG NIYO SIYANG TANGGAPIN O PANIWALAAN ANG KANYANG SINASABI. Sila ay mga sinumpang tao na nagpapahayag ng sinumpang ebanghelyo.’ Hindi sinabi ni Pablo na kung may dumarating na nangangaral ng ibang ebanghelyo kaysa sa narinig na nila sa bibig ni Pablo siya ay tunay na mananampalataya na kailangan lang ng kaunting pagtatama, sapagakat hindi ba si Pablo ang nagbabala sa mga taga-Galacia na “ Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa" (Gal. 5:9)? Kung ang buong masa ay napaalsa, gayon din ang nagdala nito. Siya na naghahayag ng bulaang ebanghelyo ay hindi pa napalaya ng Katotohanan, kundi alipin pa ng kasinungalingan. Hindi siya lingkod ng Diyos na nagdadala ng ebanghelyo na hindi buhat sa Diyos. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Galacia na hindi mahalaga kung sino pa siya, kahit na siya mismo o sila na kasama niya ay babalik pagkalipas ng panahon sa Galacia na nagsasabing ang kanilang ipinangaral sa kanila noon ay mali at ang ipapangaral nila ngayon ay ang tunay na Ebanghelyo, o kahit na isang anghel na bumaba mula sa langit, hindi sila dapat pakinggan kung ang kanilang ebanghelyo ay naiiba sa anumang paraan, sa anumang antas, doon sa nag-iisang malinaw na mensahe na kanilang narinig. Salungat sa opinyon ng isang lalaking ligaw na, "Walang nakakaalam ng Ebanghelyo", ganap na natitiyak ni Pablo na ang kanyang mensahe ay ang tanging mensahe ng Ebanghelyo na ibinigay sa kanya ng Diyos at siyang tanging ipinahayag ng Diyos "...ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya..." (Rom. 1:16 cf. 1 Cor. 1:18). Ang sitwasyon noon, at hanggang ngayon, ay napakaseryoso na kapag ang isang tao ay magdala ng ebanghelyong naiiba doon sa dakila at tanging Ebanghelyo ng Diyos na nagpapahayag ng tunay na Tagapagligtas at ng Kanyang Katuwiran, nagpapakita siya na siya ay isang sinumpang tao, iyon ay, isang taong ang kalagayan ay napapahamak, isang taong hindi nakarinig buhat sa Diyos, dahil hindi niya tinuturo ang Ebanghelyo ng Diyos. Gayon din ang sitwasyon ng sinumang sumasampalataya sa ebanghelyong iba sa Ebanghelyong ipinangaral ni Pablong apostol. Siya na nangangaral at/o kaya’y sumasampalataya sa bulaang Ebanghelyo, ayon kay apostol Pablo, ay nagpapakitang siya ay taong nasa ilalim ng sumpa ng Diyos. Ayon kay Pablo, "Ang dakilang sistema ng kaligtasan ay naituro na; at wala nang ibang pahihintulutan pa—hindi mahalaga kung sino ang nangaral nito, anuman ang pagkatao o katayuan ng mangangaral, at anumang kahanga-hangang pag-aangkin ang dala niya. Bunsod nito, ang katayuan, pagkatao, talento, husay sa pagsasalita, o banal na pamumuhay ng mangangaral, ay hindi nangangahulugang dapat natin itong paniwalaan, o nagpapatunay na ang ebanghelyo niya ay totoo. Ang mga dakilang talento ay maaaring gamitin sa masama; at ang dakilang kabanalan ng pag-uugali, at maging kabanalan ng pagkatao, ay maaaring magkamali; at anuman ang katatayuan, at mga talento, at husay ng pagsasalita, at kabanalan ng mangangaral, kapag hindi siya sumasang-ayon sa Ebanghelyo na una nang naipangaral, dapat siyang pakasumpain....Ang layunin ni Pablo ay ipahayag ang posibleng pinakamatinding pagkamuhi laban sa anumang doktrina na naipangaral na niya mismo. Gayon katindi ang pagkasuklam niya rito, na ‘Ibinubuga niya ang tunay na liyab ng apoy; at gayon kaalab ang kanyang sigasig, na sinimulan niyang halos sumpain ang mga anghel.’ Bunsod nito (1) na anumang doktrina na iba sa ipinahayag ng Biblia sa paksa ng pag-aaring-ganap (justification), ay dapat tanggihan at kapootan, anuman ang katatayuan, talento o husay sa pagsasalita ng taong nagtatanggol nito. (2) Na hindi natin dapat tangkilikin o sang-ayunan ang ganitong mga mangangaral. Gaano man sila kasigasig, kahit waring sila’y sinsero, o kahit nagpapakita silang banal, o ang wari nilang pagtatagumpay, o kanilang tunay na tapang sa pagsaway sa kasamaan, dapat natin silang layuan. "Tumigil ka, anak ko, sabi ni Solomon, upang makinig ng aral upang hindi ka maligaw mula sa mga salita ng kaalaman" (Kaw. 19:27). Lalo tayong ganap na lumayo sa katuruan na tumatanggi sa mga dakilang doktrina ng kaligtasan—ang purong Ebanghelyong tinuro ng Panginoong Jesus at ng apostol. Kung tinuturing ni Pablo na maging ang isang anghel ay nakatakda sa kapahamakan, at isinumpa, kapag nangaral siya ng ibang doktrina, tiyak na hindi natin dapat sang-ayunan ito, ni tangkilikin natin ito sa pamamagitan ng pagdalo sa gayong ministeryo. Sino ang maghahangad na dumalo sa ministeryo ng kahit isang anghel, kung siya ay isinumpa? Gaano pa kaya ang ministeryo ng taong nangangaral ng katulad na doktrina! Hindi nangangahulugan, gayun pa man, na tatratuhin natin ang iba sa pamamagitan ng mga mababagsik na pananalita at panunumpa (2 Tim. 2:24, 25). Mananagot sila sa Diyos. Dapat tayong lumayo sa kanilang mga turo; dapat nating kasuklaman ang mga doktrina; at hindi natin sila dapat sang-ayunan."
Ang
Cristiano ay hindi dapat masindak, maimpluwensyahan o matangay ng katuruan ng
isang tao dahil lang lumalapit siya sa atin na may reputasyon o maringal na anyo,
nag-aangking lingkod siya ng Diyos. Higit sa lahat, at malinaw mula sa
pangangatwiran ni Pablo sa Galacia 1, ang tanging paraan upang makilala natin
kung ang isang indibidwal o organisasyong pangrelihiyon ay buhat sa Diyos ay
kung tinuturo o hindi ang Ebanghelyo ng Diyos. Sinuman ay maaaring mag-anyong
matuwid, tulad ng makikita natin sa mga salita ni Jesus tungkol sa mga lider
pangrelihiyon noong panahon Niya: " ...kayo, na sa labas ay mistulang
matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan"
(Mat. 23:28). Hayag naman na ang mga taong ito, bagamang matuwid sa hitsura
at pag-uugali at kinikilalang mga ‘taong lingkod ng Diyos’ ng karamihan ng
publiko, ay hindi mga taong ligtas at kaya hindi nila nakilala ang Diyos at ang
Ebanghelyo ng Kanyang Anak. Ang isang bulaang ebanghelyo ay palaging ipapangaral
at itataguyod ng mga bulaang ministro, mga taong magmimistulang matuwid subalit
mga hinatulang isinumpa ng Diyos, sapagkat hindi nila ipinapahayag ang Kanyang
Salita (cf. Mat. 7:22, 23). Kung ang isang tao ay hindi sumusunod sa
Ebanghelyo ng Diyos wala sa kanya ang Diyos, kaya paano mo siya ituturing na
lingkod siya ng Diyos, isang tagasunod ng Diyos? "Ang sinumang
lumalampas at hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay
hindi kinaroroonan ng Diyos; ang
nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak" (2 Jn.
9). At, inuulit ang babala ni Pablo sa unang kabanata ng Galacia, itinuloy ni
Juan na apostol ang kanyang ipinahayag: "Kung sa inyo'y dumating ang
sinuman at hindi dala ang aral na ito,
huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin, sapagkat
ang bumabati sa kanya ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa" (2 Jn.
10,11). Ang Banal na Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Katotohanan at kinakasihan
Niya ang Kanyang mga ministro upang ituro ang Kanyang Ebangheyo at
wala ng iba. Ang Mensahe ang paraan upang matiyak natin kung sinasabi ng isang
tao ang katotohanan ng Diyos o hindi, o winiwika ang sarili lamang niyang mga
salita. Kahit na napatunayan na ipinapahayag ng isang tao ang katotohanan ng
Ebanghelyo, hindi tayo dapat tumigil sa pagsusuri sa kung ano ang kanyang
tinuturo. Huwag paniwalaan ang isang bagay batay sa katotohanan na sinabi ito ng
isang indibidwal. SAMPALATAYANAN MO LAMANG ITO KUNG ITO ANG KATOTOHANAN, kung
sumasang-ayon lamang ito sa mga Kasulatan. Hindi dapat hatulan ang mensahe
dahil lamang sa taong nangangaral nito. Hindi mahalaga kung sino ang
nangangaral, o gaano kadakila ang kanilang reputasyon, o gaano karaming aklat
kanilang naisulat, o gaano katagal na silang nagtuturo, hindi ito ang dapat na
maging pamantayan ng Cristiano sa paghatol natin kung ang ating narinig ay
katotohanan o hindi. Ganap na walang puwang para sa isang kulto ng
personalidad na manatili sa saklaw ng Cristianismo. Katotohanan lamang at
Siya na nagbigay nito ang dapat sambahin at pagtiwalaan. Kung ano ang
pinaniniwalaan mo ang nagpapahayag kung ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili
sa iyo o isang bulaang diyos, na bumulwak sa mga labi ng mga napapahamak na tao
at kung kanino walang kaligtasan, ang siyang tinanggap mo. Magsisi ka at
sampalatayanan mo ang Ebanghelyo at ikaw ay maliligtas; huwag mo itong
sampalatayanan at ikaw ay mapapahamak! (Tingnan ang Marc. 16:16). "...pagkapahayag
ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang
anghel, na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi
kumikilala sa Diyos at sa mga hindi
sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus..." (2 Tes.
1:7, 8).
back
home