ANG PRINSIPYO NG BIYAYA
BIYAYA! Ito’y isang salitang karaniwan na sa atin. Ang mga relihiyoso o mga taong maka-Dios sa buong mundo ay nag-aangkin na sila ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya at ipinapahayag ang kanilang walang kamatayang pagmamahal sa Dios ng lahat ng biyaya, atbp. Subalit ang nakakabagabag na bagay ay marami sa nag-aangkin na naniniwala sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ay ipinipilit pa rin na may dapat silang gawin upang makatulong sa kanilang pagiging ligtas o sa kanilang pananatiling ligtas. Nagkukulang sila sa pang-unawa sa tunay na kahulugan ng biyaya at lantarang naturuan ng mali sa kung ano ang tiyak na kahulugan ng biyaya at kung ano ang pagiging ligtas sa pamamagitan ng biyaya. Marami ang maaaring masabi tungkol sa mahalagang usaping ito, subalit sa maikling lathalaing ito ay nais kong bigyang-diin ang kahalagahan, ang kaibuturang kahulugan, ng biyaya ng Dios at kung ano ang ibig sabihin ng pagiging ligtas sa pamamagitan ng biyaya. Mabisa at maikli nang nasabi na ang biyaya ay di-marapat na kagandahang-loob. Ang biyaya ay kagandahang-loob ng Dios sa isang lubos na hindi karapat-dapat na tao. Walang sinoman ang karapat-dapat sa biyaya, sapagkat kung gayon ito ay hindi na magiging biyaya kundi gantimpala (tingnan ang Rom. 11:6). Kaya upang makatanggap ng biyaya, dapat ay may ginawa ang isang tao. Kahit ang pahapyaw na pagbasa sa mga Sulat sa Bagong Tipan ay maghahayag na ang biyaya at mga gawa ay magpapawalang-bisa sa isa’t-isa. Kung ito ay matatamo sa pamamagitan ng mga gawa, hindi na kailangan ang biyaya at kung ang tanging paraan upang matamo ay sa pamamagitan ng biyaya, ay walang halaga ng mga gawa ang maaaring makapagpatamo ng maipagkakaloob lamang ng biyaya. Ang biyaya ay malinaw na hindi gantimpala mula sa Dios sa kung ano pa man tayo, ano ang nagawa natin, o gagawin pa lamang. Ang biyaya ay ipinagkaloob SA KABILA NG KUNG ANO TAYO, ANO ANG NAGAWA NATIN, O GAGAWIN PA LAMANG!! Ang biyaya ay isang bagay na ginagawa ng Dios, isang bagay na ibinibigay sa isang tao mula sa Kanyang sariling malayang pagpapasiya, mula sa Kanyang masaganang kahabagan, at ang layunin nito ay upang iligtas ang taong yaon mula sa kung ano ang nararapat sa kanya-IMPIYERNO. Ang biyaya ay hindi nangangailangan ng tulong mula sa atin upang matupad ang layunin nito. Ang biyaya ay ganap na may kaibahan, at ganap na salungat sa anomang gawa natin. Ang biyaya ay gawa ng Dios at hindi ng tao. Walang anomang gawa ng tao ang maaring makadagdag ng anoman sa biyaya. Walang gawa ng tao ang kinakailangan sa kaligtasan ng tao. Ang pinakamagaling na nagawa ng isang taong ligtas na ay hindi nagkapag-ambag ng kahit na katiting man lang sa kanyang pagkakaligtas o pananatiling ligtas. Ang tao ay naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya at ito ay kapwa mga kaloob mula sa Dios. Walang anomang pagsisikap mula sa atin ang makapagliligtas sa atin o kinakailangan upang mapanatili ang ating kaligtasan. Ang biyaya ng Dios ang gumawa nang lahat ng ito mula A hanggang Z. Ang biyaya ay ang PAGGAWA NG DIOS. Kung sinoman ang naniniwala na may tungkulin silang gawin ang ilang mga kautusan upang maligtas o dapat magpanatili ng isang tiyak na taas ng pagkamasunurin upang ‘manatiling ligtas’, sila ay, malayo sa pagiging mananampalataya sa biyaya, ay mas ligaw pa sa naliligaw sapagkat sila ay nagtitiwala sa mga gawa ng tao upang matiyak ang kalagayang ligtas, ang katanggap-tanggap ng kalagayan sa harap ng Dios. Sila ay mga makalamang nilikha na hindi nagtitiwala ng tangi- at samakatuwid ay talagang hindi- sa biyaya ng Dios. Kaya’t kung sinoman ang lumapit sa iyo at nag-aangking ligtas sa pamamagitan ng biyaya subalit nagsasabing sa pamamagitan ng kanilang pagkamasunurin ay napapanatili nila ang kanilang ‘ligtas’ na kalagayan, may tiwala mong masasabi sa kanila na sila ay nabigyan ng maling ebanghelyo at hindi ng tanging Ebanghelyo na ipinangliligtas ng Dios, ang Ebanghelyo ng biyaya. Gayundin naman, sinoman na nag-aangkin na naligtas samantalang naniniwala sa gayong ebanghelyo ay hindi ligtas, sapagkat sila ay naniwala sa ibang ebanghelyo, isang ebanghelyo na hindi ibinibigay ang LAHAT ng kaligtasan sa gawa ng Dios. Ang Ebanghelyo ng Dios ay hindi kailanman nangungusap tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng tao upang maligtas o manatiling ligtas. Hindi ito nagsasabi ng tungkol sa mga gawa ng tao, kundi binibigyang-diin lamang ang gawa ng Dios (biyaya) sa kaligtasan ng Kanyang bayan at inilalagay ang lahat na kinakailangan ng Dios na gawin upang iligtas ang Kanyang bayan mula sa kanilang kasalanan sa ilalim ng payak na pamagat- BIYAYA! Ang biyaya ay tungkol sa biyayang yaon. Ito ay puno ng tinatawag ng Biblia na mga aral ng biyaya, sa madaling salita, mga katuruan ng kung ano ang ginawa ng Dios upang iligtas ang Kanyang bayan mula sa kanilang kasalanan. Iniligtas ng Dios ang Kanyang bayan sa pamamagitan ng Kanyang ginawa at pinananatili Niya silang ligtas sa pamamagitan ng Kanyang ginawa. Ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng gawa ng tao, kundi sa gawa lamang ng Dios at ang gawang yaon ay ayon lahat sa prinsipyo ng biyaya. Sa Dios ang kaluwalhatian sa KANYANG mga dakilang ginawa.